The Philippines is now in crisis, or for almost its entire lifetime as a republic. And in times like this, the entire nation is depending upon the hope of the nation: the youth. But let me give you the reasons why you shouldn't hope on today's generation of the youth; sa wikang Filipino.
Mahirap iasa sa amin ang kinabukasan ng bayan ngayon.
Mahirap iasa ito sa mga kabataang buong araw na nakasaksak sa tenga ang mga earphone at buong lakas na nakikinig sa kanilang MP3 player o iPod na wala nang pakialam sa mga nangyayari sa paligid niya. Mas mahalaga pa sa kanya na dapat updated ang mga kanta niya. Hindi mo na halos makausap dahil abala siya sa sarili niyang mundo. Mas magandang pag-usapan ang tungkol sa latest na gadget o cool fashion. Mas kilala pa ng kabataan ngayon si Britney Spears, Maroon 5, Mariah Carey o si Madonna kaysa kina Jose Rizal, Andres Bonifacio, Emilio Aguinaldo o si Graciano Lopez - Jaena. Malamang din na iilan lang ang nakakakilala kay Hermano Pule.
Mahirap iasa ang lagay ng edukasyon sa mga kabataan, lalo na iyung mga nasa hayskul at kolehiyo, ngayon na ang paaralan nila na kung 'di internet cafe, mga bilyaran, MOA at paminsan minsan mga beer house o club. May ilang namang pumapasok lang para makita ang kanilang crush. Mas mahalaga pa ang kwentuhan kaysa ang nilalaman ng lesson. May ilan naman na umaasa nalang sa katabi para sa kanyang assignment. At may mga garapalan naman ang pagngongodigo at pangongopya tuwing may exam.
Mahirap din naman iasa sa mga gifted children ang kinabukasan ng bansa. Bukod sa iilan lang ang mga batang ito, hindi nila nagagamit ang kanilang mga extraordinaryong talento para makatulong sa pag-ahon ng iba. Hanggang sa pagbibigay karangalan lamang ang kaya nilang iabot. Ngunit hindi naman ito makakain ng pangkaraniwang tao. Ni hindi nga nila nakikita ang mga batang ito kung sila ay nagtatanghal ng biyolin o piyano dahil sa isinasagawa ito sa mga mamahaling teatro; na hindi abot ng karamihan.
Mahirap iasa ang ating kalusugan sa mga kabataan ngayon. Ang pagiging nars ngayon ay hindi na nangangahulugang paglilingkod sa mga maysakit kundi ang pagkita ng dolyar sa ibang bansa. Masyado nang makasarili. Wala namang masama sa pangingibang-bayan. Sana lang pagkatapos nilang yumaman, bumalik sila dito para tumulong sa pagbangon ng mga kapwa Pilipino nilang hindi kasing swerte sa buhay. Sana lang hindi rin nila makalimutan kung saan sila nanggaling.
Mahirap iasa ang moralidad ng ating bansa ngayon sa kamay ng mga kabataan. Halos hindi na iginagalang ang pakikipagtalik. Hindi na mahalaga ang maging tapat sa iisang partner. Pagiging martir na daw ito. Normal na lang daw ang makipagtalik sa maraming tao. Kung buntis, ipalaglag na lang. Wala nang paggalang sa katawan. Bangag din sa ipinagbabawal na gamot ang karamihan. Lahat ng antas ng lipunan: mula sa mga nakatira sa mga mansyon ng Corinthian Gardens hanggang sa tambakan ng basura sa Payatas.
Mahirap din iasa sa mga radikal, aktibista o maka-kaliwa ang kinabukasan natin. Tunay naman ang kanilang ipinaglalaban. Ang mga hinaing ng taong bayan ay hinaing din nila. Trabaho, edukasyon, kalusugan, karapatang pantao at iba pa. Ngunit unti-unti na silang nalalayo sa mga taong nais nilang paglingkuran. Hindi na sila nauunawaan. Nasa pedestal na sila kung saan hirap na maarok ng mga tao kung ano ang kanilang sinasabi. Hindi nila namamalayan pero nagiging mayabang na sila; para bang alam na nila lahat ang solusyon at hindi na kailangan pa makinig sa kanila. Wala naman sila maibigay na konkretong solusyon sa mga problema. Iba na rin ang tingin ng mga 'middle class' sa kanila: nagdudulot ng trapiko, kalat at kaguluhan. Hindi nila kasi ipinapaunawa sa mga taon kung para saan ang ginagawa nila. May mga programa naman sila na 'basic masses integration' na kung saan nakikihalubilo sila sa mga tao. Dapat na dito sila magsimula. Para maging talagang nagkakaisa ang lahat. Pero kung lulundag agad sila sa patalsikin mode, lalo lamang sila nalalayo sa puso ng mga tao.
Mahirap din namang iasa sa Sangguniang Kabataan ang pagbabago sa takbo ng gobyerno na ang konsepto ng paglilingkod ay ang buwanang konsiyerto na hindi mo malaman kung ano ang layunin: magbigay saya, mag-ingay o magkalat. Pero mukhang mas tumpak ang mag-ingay dahil sa talagang hindi ka patutulugin hanggang madaling-araw. Ang mga sana'y magiging susunod na lider ng bansa ay mas nais pa na mag-party buong magdamag, kaysa iubos ang lakas sa pagpapanibago ng kanilang mga komunidad sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga makabuluhang proyekto gaya ng pagsusulong ng pagbabasa sa mga bata. Pero nasa unang prayoridad nila ang mga proyekto gaya ng Miss Gay, RakRakan, Pasiklaband, at kung anu-ano pang kapritso na nagtatapon lang ng pera.
Ngayon, kung hindi sa amin kanino dapat iasa ang ating kinabukasan?
Sa mga sanggol na hindi pa nagsisimulang gumapang, alagaan silang mabuti. Palakihin na may takot sa Diyos, respeto sa magulang, paggalang sa buhay, may pagpapahalaga sa edukasyon at pagnanais na gamitin ang kanyang kagalingan at talento upang makapalingkod sa iba at makagawa ng pagbabago sa kanilang buhay at hindi upang iangat lamang ang kaniyang sarili. Masyadong idealistic ngunit mangyari man lamang ang isa sa mga ito, nakakasiguro tayo na nasa mabuting kamay ang ating kinabukasan.
Pero kahit papano, hindi naman totoo sa lahat ng kabataan ang mga nabanggit sa itaas. At hindi rin naman nila minsan kasalanan kung ganun ang kanilang naging buhay. Minsan dahil rin sa mga magulang na masyadong nagiging 'spoiled' ang kanilang mga anak. 'Ika nga, laki sa layaw. Ngunit para sa mga napabilang sa mga nabanggit, gaya ko, kahit ano pa ang dahilan, isang bagay lamang ang maaari pang makapagbaliktad ng sitwasyon: pagsisihan ang nagawang pagkakamali. Pero ulit, mahirap sa amin na mapagtanto ang kamalian nagawa namin; lalo na't nag-eenjoy pa kami sa kanilang ginagawa. Pero sana lang, bago pa kami tumanda at maging cynical sa buhay, magampanan namin ang tungkuling magdala ng bagong pag-asa at pagbabago sa ating bayan.















0 komento:
Mag-post ng isang Puna