Freedom From the
Bondage of Voicelessness
Ika-29 ng Mayo, pormal na nagsimula ang aking pagpasok sa mundo ng blogging. Nagsimula lamang bilang isang pangungulit sa text sa aking mga kamag-aral at kaibigan ko sa high school sa porma ng “group message.” Naging limitado lamang ito at iilan lamang ang nararating na mga tao. Pagpasok ko ng Unibersidad ng Pilipinas, lalo kong nakita ang pangagailangan upang ilabas ang lahat ng aking nais sabihin. At sa pamamagitan ng isang kaibigan na habang kami’y nagkataong nagkausap sa YM, nakita ko ang kanyang status message: “http://serkee.blogspot.com.” Nahiwagaan ako kaya ito’y aking pinindot. (siyempre sa pamamagitan ng cursor ng mouse.. hehe..) Aba, blog ang pala tawag nun. Kaya naisipan kong kopyahin ang url nito at in-edit. Ginawa ko ito na “http://www.blogspot.com.” Eureka. Napunta ako sa website ng Blogger at agad-agad akong gumawa ng aking blog.
Natatandaan ko pa. Sabik na sabik akong maglagay ng mga bagong posts. Hindi gaya ng ibang blog na ang mga inilalagay ang aking mga personal na detalye ng buhay. Ang inilalagay ko din ay mga artikulo na maituturing ko nang obra na talagang ginugugulan ko ng maraming oras upang gawin. Nagamit ko din ang mga ilan kong natutunan sa paggawa ng website gamit ang html. Noon, halos linggo-linggo ay may ma bago akong post. Karamihan nagtatalakay sa pulitika at isinama ko na rin ang tungkol sa buhay ko.
******
Mula noon, maraming pagbabago ang naganap. Tatlong beses na akong nagpalit ng pangalan:
The Dennio Series 2006 ang unang pangalan ng aking blog. Bakit iyon? Wala lang. Bigla ko na lang ito naisip dahil binalak ko noon na gumawa ng mga serye ng post na magtatalakay sa isang partikular na paksa.
Kasabay ng pagsasa-ayos kong muli, tinawag ko na itong Dennio Web Central dahil sa plano ko nang damihan ang aking blog. At bakit ulit iyon? Naisip ko lang na iyon ang magiging collective name ng lahat ng blog ko.
At ngayon, bilang paghahanda para sa binabalak kong pagsusulat ng libro, tinawag ko ito na Frustrated Writer na akma sa ilang beses ko nang pagtatangka na magsimula na sumulat ng libro pero hindi ko naitutuloy. At sa pamamagitan ng blog na ito, muli kong sisimulan ang naudlot kong pangarap.
Kasabay ng pagpapalit ng pangalan ay pagsasa-ayos ko ng aking blog. Noong una isa lamang ito. Hanggang sa naisipan kong palawakin ito at i-categorize ayon sa mga paksa na nais kong pag-usapan. Naging 12 lahat ito. Kasama dito ang main page at ang mga sumusunod:
- Ikagugulantang Niyo…
- Pangulong Dennio
- It’s My Life
- Mahal ko ang Pilipinas
- Educate
- Para sa Kalikasan
- Ipagtanggol ang Simbahan
- EDSA @ 20: After Then, Then What?
- Pasko
- The Preventable Crisis
- Linggo ng Kasaysayan 2006
Bawat isa may kanya-kanyang karakter. Ang Ikagugulantang Niyo ay naglaman ng mga paksa na maituturing na taboo na ayaw talakayin ng karamihan at pagpapakita ng ibang klase kong pagkatao. Ang Pangulong Dennio naman ay para sa mga pampulitikang usapin at siyempre isang tanghalan ng aking pangarap na maging pangulo ng Pilipinas. Ang It’s My Life naman ay tungkol sa buhay ko. Mahal Ko ang Pilipinas ay naglalayon na ipakita ang pagmamahal para sa ating Inang Bayan. Ang Educate ay para sa isang uri ng pag-aaral na higit pa sa apat na sulok ng silid-aralan. Ang Para sa Kalikasan ay para sa pangangalaga ng Kalikasan at ang Ipagtanggol ang Simbahan na naglalayong pigilan ang malawakang paninira at nais na pagpapabagsak ng ibang relihiyon sa isang simbahang hindi nila lubos na kilala. Habang ang apat na huling blog ay mga special blogs lamang na kumbagan ay batay sa okasyon.
Siyempre, hindi ito naging madali. Noong una maayos ang lahat. Pero naging mahirap ang maintenance ng napakaraming blogs at kadalasan may ilan ako na hindi na napagtutuunan ng pansin. Kaya’t inayos ko ito at inalis na ang apat na special blogs at itinira ang pito. Ito na ang
- Ang Malikot na Utak ni Dennio (Ikagugulantang Niyo…)
- Edukasyon Para Sa Lahat (Educate)
- Environment Matters (Para Sa Kalikasan)
- Buhay Ko (It’s My Life)
- Presidential Ambitions (Pangulong Dennio)
- Dito Pa Rin Ako (Mahal Ko Ang Pilipinas)
- Ipagtanggol ang Simbahan (iyun pa din.. hehe..)
Nagbago man ng pangalan, hindi pa rin nagbabago ang karakter ng mga blog na ito. Kung may nagbago man, ito ay mas pagiging dikit sa nais nito. Mas magagandang mga artikulo. Mas pinagbuting pagsusuri.
******
Hindi rin naging madali ang pagpapakalat ng aking blog. Sumali pa ako sa mga Yahoo Groups at napagalitan pa ako dahil nag-flood ng messages. (eh hindi ko kasalanan iyun may problema iyung Yahoo Groups noong araw na iyun dahil ganoon din ang nangyari sa iba.. nagpaliwanag daw ba.. hehehe…) Pero ang talagang nagdala ng maraming bisita ang aking blog na nanggaling pa sa iba’t ibang dako ng mundo ay ang grupong Ang Bagong Pinoy Movement. May ilan pa nga na nagpadala ng email na nagpapaabot ng kanilang pasasalamat. Ayoko nang magbuhat ng bangko ngunit naging positibo ang kanilang reaksyon. Hanggang nagyon, ang mga miyembro ng grupong ito ang bumubuhay sa bilang ng mga bisita sa aking blog na siyang nagdudulot sa aking ng inspirasyon upang magsulat pa ng mga magagandang artikulo.
Meron din akong isang mahalagang paninindigan sa aking blog. Hangga’t maaari, mayorya ng aking mga posts ay aking isusulat sa wikang Filipino (gaya nito). Nais ko kasi na mas maintindihan ng kapwa ko Pilipino ang mga nais kong sabihin. Napansin ko kasi na halos lahat ng mga Pinoy bloggers ay Ingles ang ginagamit. Marahil dahil ito sa kailangang i-monetize ang kanilang mga blog at walang maglalagay ng kanilang ads kung ang content ay hindi Ingles (gaya ng nangyari sa akin). O maaaring may iba pang dahilan.
Pero sa akin, hindi kita ang layon ko sa aking mga blogs, nais ko na sa pamamaraang ito mamulat ang mga Pilipino o di kaya’y makapagbigay inspirasyon at pag-asa sa mga Pilipinong ayaw nang maging Pilipino. At kung gusto mong kausapin ang kapamilya mo, hindi ba’t maganda na sa sariling wika mo sila kausapin para higit na maunawaan ang iyong sinasabi.
Hindi rin nito layunin na magustuhan ng lahat ng mambabasa. I’m not here to please everybody. Magalit ka man o matuwa ang mahalaga bukas ang iyong isip sa lahat ng mababasa mo dito. Ngunit hindi pa rin mawawala ang responsibilidad ko sa pagsusulat. Iiwasan ko na makasakit ng sobra at tumira ng below the belt. Itinuturing ko ang blogging bilang isang bagong anyo ng journalism na may mga ethics na dapat sinusunod. Hindi ibig sabihin na walang nagbabantay sa ating mga ginagawa ay nararapat lamang na gawin natin lahat ng gusto natin kahit pa nakakasakit na tayo at nakakatapak ng karapatan ng ibang tao.
******
Sa halos lahat ng aking mga blogs, iba-iba man ang mga tinatalakay na paksa, umiikot lamang ito sa apat na pangkalahatang tema: pagmamahal sa Diyos, bayan, pamilya at kapwa tao.
******
Binuksan ng blogging ang isang panibagong mundo na kung saan nagawa kong ilabas ang nais kong sabihin. Ibang klaseng kalayaan ang naibigay nito sa akin. Ngunit higit sa lahat. Ang pinakamalaking epekto at ang nagawa ng blogging sa buhay ko: freedom from the bondage of voicelessness. Noon pigil ang pagsasalita ko. Hindi ako nagsasalita kahit na kinakailangan at alam ko na may maitutulong ito. Nagsisisi ako. Dahil sa hindi pagsasalita marami ang hindi nagkakaunawaan at maging ako hindi nila naiintindihan.
Pero sa kabila nito, may ilang bagay akong natutunan mula sa pagsasalita ko. Hindi ko dapat asahan na lahat ay sasangayon sa sasabihin mo. Hindi rin dapat na sa lahat ng oras ay magsasalita ka. Hindi ko na tuloy alam kung dapat na magsalita pa ako. Sa katunayan, ito ngayon ang isang dahilan ng mabigat kong problema. Sana lang matapos na.
Meron pa nag akong isang artikulo ngayon na nakatago pa at hindi ko alam kung kailan ko ito ilalabas. Malamang malapit na.
******
Limandaang araw na ang nagdaan. Mahigit 3000 na ang nakabisita sa aking mga blog. Ngunit hindi masusukat sa tagal ng pagiging blogger o dami ng mga bumibisita kung gumawa ba ng malaking epekto sa buhay nila ang mga isinusulat mo. May natutunan ba sila? Nakagawa ka ba ng kahit maliit na pagbabago sa kanilang mga buhay? At ang isa pang malaking tanong: do they find my blog worth their time visiting it?
Sa susunod na 500 araw, ito ang mga hamon na aking haharapin. Gumawa ng mga maiikili ngunit malaman na artikulo. Gawing kapaki-pakinabang ang kanilang pagdalaw sa aking blog. At higit sa lahat gumawa ng malaking pagbabago sa buhay nila, lalo na sa mga Pilipino.
At higit sa lahat ulit, huwag na huwag gagawa ng article ng alas-dose ng hatinggabi dahil umiikot na ang paningin mo at hindi mo na alam kung anu-ano ba ang isinusulat mo. (hehehe..)
Seriously speaking, actually this is my book: an online book to be exact. It may not have the chapters or pages written in it but I believe it is a book. At natupad na pala ang pangarap ko na magkaroon ng libro. Susunod na ang print version.
I’m now on my way to the 1000th day, I’m hoping that you’ll still be there with me and hey, let’s celebrate blogging as our FREEDOM FROM THE BONDAGE OF VOICELESSNESS.
NO TO SMOKING IN ALL PLACES. PERPETUALLY BAN THE USAGE AND MANUFACTURE OF THESE FILTHY AND POISONOUS STICKS.